Hakbang 22

pag-aaral

     

Exodo 14:21-31

21 At iniunat ni Moises ang kaniyang kamay sa ibabaw ng dagat; at pinaghiwalay ng Panginoon ang dagat sa pamamagitan ng isang malakas na hanging silanganan ng buong magdamag, at ang dagat ay pinapaging tuyong lupa at ang tubig ay nahawi.

22 At ang mga anak ni Israel ay pumasok sa gitna ng dagat sa ibabaw ng tuyong lupa: at ang tubig ay naging isang kuta sa kanila, sa kanilang kanan at sa kanilang kaliwa.

23 At hinabol sila ng mga Egipcio, at nagsipasok na kasunod nila sa gitna ng dagat, lahat ng mga kabayo ni Faraon, ang kaniyang mga karro, at ang kaniyang mga nangangabayo.

24 At nangyari, sa pagbabantay sa kinaumagahan, na minasdan ng Panginoon ang hukbo ng mga Egipcio sa gitna ng haliging apoy at ulap, at niligalig ang hukbo ng mga Egipcio.

25 At inalisan ng gulong ang kanilang mga karro, na kanilang hinila ng buong hirap: na ano pa't sinabi ng mga Egipcio, Tumakas tayo sa harap ng Israel: sapagka't ipinakikipaglaban sila ng Panginoon sa mga Egipcio.

26 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Iunat mo ang iyong kamay sa dagat, upang ang tubig ay tumabon sa mga Egipcio, sa kanilang mga karro, at sa kanilang mga nangangabayo.

27 At iniunat ni Moises ang kaniyang kamay sa dagat, at ang dagat ay nagsauli sa kaniyang dating lakas, nang umumaga; at ang mga Egipcio ay nagsitakas, at nilaginlin ng Panginoon ang mga Egipcio sa gitna ng dagat.

28 At ang tubig ay nagsauli, at tinakpan ang mga karro, at ang mga nangangabayo, sa makatuwid baga'y ang buong hukbo ni Faraon na pumasok na sumunod sa kanila sa dagat; walang natira kahit isa sa kanila.

29 Datapuwa't ang mga anak ni Israel ay lumakad sa tuyong lupa sa gitna ng dagat; at ang tubig sa kanila ay naging isang kuta sa kanilang kanan at sa kanilang kaliwa.

30 Gayon iniligtas ng Panginoon ang Israel ng araw na yaon sa kamay ng mga Egipcio; at nakita ng Israel ang mga Egipcio na mga patay sa tabi ng dagat.

31 At nakita ng Israel ang dakilang gawa, na ginawa ng Panginoon sa mga Egipcio, at ang bayan ay natakot sa Panginoon: at sila'y sumampalataya sa Panginoon at sa kaniyang lingkod na kay Moises.

Exodo 15

1 Nang magkagayo'y inawit ni Moises at ng mga anak ni Israel ang awit na ito sa Panginoon, at sinalita, na sinasabi, Ako'y aawit sa Panginoon, sapagka't siya'y nagtagumpay ng kaluwaluwalhati: Ang kabayo at ang sakay niyaon ay kaniyang ibinulusok sa dagat.

2 Ang Panginoon ay aking lakas at awit, At siya'y naging aking kaligtasan: Ito'y aking Dios, at siya'y aking pupurihin. Dios ng aking ama, at siya'y aking tatanghalin.

3 Ang Panginoo'y isang mangdidigma: Panginoon ang kaniyang pangalan.

4 Ang mga karro ni Faraon at ang kaniyang hukbo ay ibinulusok niya sa dagat; At ang kaniyang mga piling kapitan ay ipinaglulubog sa Dagat na Mapula.

5 Ang mga kalaliman ang tumatabon sa kanila: Sila'y lumubog sa mga kalaliman, na parang isang bato.

6 Ang iyong kanan, Oh Panginoon, ay maluwalhati sa kapangyarihan. Ang iyong kanan, Oh Panginoon, ay dumudurog ng kaaway.

7 At sa kalakhan ng iyong karilagan ay ibinubuwal mo yaong bumabangon laban sa iyo: Iyong ipinakikita ang iyong pagiinit, at nililipol silang parang dayami.

8 At sa hihip ng iyong ilong ay natitipon ang tubig, Ang mga agos ay nagsilagay na parang isang bunton; Ang mga kalaliman ay namuo sa gitna ng dagat.

9 Sinabi ng kaaway, Aking hahabulin, aking aabutan, magbabahagi ako ng samsam, Ang aking nasa ay masisiyahan sa kanila; Aking bubunutin ang aking tabak, lilipulin sila ng aking kamay.

10 Ikaw ay nagpahihip ng iyong hangin, at tinabunan sila ng dagat. Sila'y lumubog na parang tingga sa makapangyarihang tubig.

11 Sinong gaya mo, Oh Panginoon, sa mga dios? Sinong gaya mo, maluwalhati sa kabanalan, Nakasisindak sa pagpuri, na gumagawa ng mga kababalaghan?

12 Iyong iniunat ang iyong kanang kamay, Nilamon sila ng lupa.

13 Iyong pinapatnubayan sa iyong awa ang bayan na iyong tinubos: Sa iyong kalakasan ay iyong inihahatid sila sa banal mong tahanan.

14 Narinig ng mga bayan; at sila'y nanginig: Mga sakit ang kumapit sa mga taga Filistia.

15 Nang magkagayo'y natulig ang mga pangulo sa Edom; Sa matatapang sa Moab, ay panginginig ang sumasakanila: Lahat ng taga Canaan ay nauubos.

16 Sindak at gulat ang suma-sakanila; Sa kadakilaan ng iyong bisig ay nagiging walang kibo sila na parang bato; Hanggang sa ang iyong bayan ay makaraan, Oh Panginoon, Hanggang sa makaraan ang bayang ito na iyong kinamtan.

17 Sila'y iyong papapasukin, at sila'y iyong itatayo sa bundok na iyong pamana, Sa dako, Oh Panginoon, na iyong ginawa sa iyo, upang iyong tahanan, Sa santuario, Oh Panginoon, na itinatag ng iyong mga kamay.

18 Ang Panginoon ay maghahari magpakailan man.

19 Sapagka't ang mga kabayo ni Faraon, ay nagsipasok pati ng kaniyang mga karro at pati ng kaniyang mga nangangabayo sa dagat, at pinapanumbalik ng Panginoon ang tubig ng dagat sa kanila; datapuwa't lumakad ang mga anak ni Israel sa tuyong lupa sa gitna ng dagat.

20 At si Miriam na propetisa na kapatid ni Aaron, ay tumangan ng isang pandereta sa kaniyang kamay; at sumunod ang lahat ng mga babae sa kaniya, na may mga pandereta at nagsayawan.

21 At sila'y sinagot ni Miriam, Umawit kayo sa Panginoon, sapagka't siya'y nagtagumpay ng kaluwaluwalhati; Ang kabayo at ang sakay niyaon ay ibinulusok niya sa dagat.

22 At pinatnubayan ni Moises ang Israel mula sa Dagat na Mapula, at sila'y lumabas sa ilang ng Shur; at sila'y lumakad na tatlong araw sa ilang, at hindi nakasumpong ng tubig.

23 At nang sila'y dumating sa Mara, ay hindi sila makainom ng tubig sa Mara, sapagka't mapait: kaya't ang pangalang itinawag ay Mara.

24 At inupasala ng bayan si Moises, na sinasabi, Anong aming iinumin?

25 At siya'y dumaing sa Panginoon; at pinapagkitaan siya ng Panginoon ng isang puno ng kahoy, at inihagis niya sa tubig, at ang tubig ay tumabang. Doon inatangan niya ng palatuntunan, at ng tagubilin at doon sila sinubok niya;

26 At sinabi, Kung iyong didinggin ng buong sikap ang tinig ng Panginoon mong Dios, at iyong gagawin ang matuwid sa kaniyang mga mata, at iyong didinggin ang kaniyang mga utos, at iyong gaganapin ang lahat niyang mga palatuntunan ay wala akong ilalagay na karamdaman sa iyo, na gaya ng inilagay ko sa mga Egipcio: sapagka't ako ang Panginoon na nagpapagaling sa iyo.

27 At sila'y dumating sa Elim, na doo'y mayroong labingdalawang bukal ng tubig, at pitongpung puno ng palma; at sila'y humantong doon sa tabi ng mga tubig.

Exodo 16

1 At sila'y naglakbay mula sa Elim, at ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel ay dumating sa ilang ng Sin, na nasa pagitan ng Elim at Sinai, nang ikalabing limang araw ng ikalawang buwan, pagkatapos na sila'y makaalis sa lupain ng Egipto.

2 At inupasala ng buong kapisanan ng mga anak ni Israel si Moises at si Aaron sa ilang:

3 At sinabi sa kanila ng mga anak ni Israel, Namatay na sana kami sa pamamagitan ng kamay ng Panginoon sa lupain ng Egipto, nang kami ay nauupo sa tabi ng mga palyok ng karne, nang kami ay kumakain ng tinapay hanggang sa mabusog; sapagka't kami ay inyong dinala sa ilang na ito, upang patayin ng gutom ang buong kapisanang ito.

4 Nang magkagayo'y sinabi ng Panginoon kay Moises, Narito, kayo'y aking pauulanan ng pagkain mula sa langit; at lalabasin at pupulutin ng bayan araw-araw ang bahagi sa bawa't araw; upang aking masubok sila, kung sila'y lalakad ng ayon sa aking kautusan, o hindi.

5 At mangyayari sa ikaanim na araw, na sila'y maghahanda ng kanilang dala, na ibayo ng kanilang pinupulot sa araw-araw.

6 At sinabi ni Moises at ni Aaron sa lahat ng mga anak ni Israel, Sa kinahapunan, ay inyong malalaman, na ang Panginoon ay siyang naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto.

7 At sa kinaumagahan, ay inyo ngang makikita ang kaluwalhatian ng Panginoon; sapagka't kaniyang naririnig ang inyong mga pagupasala laban sa Panginoon: at ano kami, na inyo kaming inuupasala?

8 At sinabi ni Moises, Ito'y mangyayari, pagbibigay ng Panginoon sa inyo sa kinahapunan ng karne na makakain, at sa kinaumagahan ng pagkain, na makabubusog; sapagka't naririnig ng Panginoon ang inyong mga pagupasala na inyong iniuupasala laban sa kaniya: at ano kami? ang inyong mga pagupasala ay hindi laban sa amin, kundi laban sa Panginoon.

9 At sinabi ni Moises kay Aaron, Sabihin mo sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, Lumapit kayo sa harap ng Panginoon; sapagka't kaniyang narinig ang inyong mga pagupasala.

10 At nangyari, pagkapagsalita ni Aaron sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, na sila'y tumingin sa dakong ilang, at, narito, ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa ulap.

11 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,

12 Aking narinig ang mga pagupasala ng mga anak ni Israel: salitain mo sa kanila, na iyong sasabihin, Sa kinahapunan ay kakain kayo ng karne, at sa kinaumagahan, ay magpapakabusog kayo ng tinapay; at inyong makikilala na ako ang Panginoon ninyong Dios.

13 At nangyari sa kinahapunan na ang mga pugo ay nagsiahon at tinakpan ang kampamento at sa kinaumagahan, ay nalalatag sa palibot ng kampamento ang hamog.

14 At nang paitaas na ang hamog na nalalatag na, narito, sa balat ng ilang ay may munting bagay na mabilog at munti na gaya ng namuong hamog sa ibabaw ng lupa.

15 At nang makita ng mga anak ni Israel, ay nagsangusapan, Ano ito? sapagka't hindi nila nalalaman kung ano yaon. At sinabi ni Moises sa kanila, Ito ang pagkain na ibinigay ng Panginoon sa inyo upang kanin.

16 Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon, Pumulot ang bawa't tao ayon sa kaniyang kain; isang omer sa bawa't ulo, ayon sa bilang ng inyong mga tao, ang kukunin ng bawa't tao para sa mga nasa kaniyang tolda.

17 At gayon ginawa ng mga anak ni Israel, at may namulot ng marami, at may kaunti.

18 At nang timbangin sa omer, ang namulot ng marami ay walang higit, at ang namulot ng kaunti ay hindi nagkulang; bawa't tao ay pumulot ng ayon sa kaniyang kain.

19 At sinabi ni Moises sa kanila, Huwag magtira niyaon ang sinoman ng hanggang sa umaga.

20 Gayon ma'y hindi sila nakinig kay Moises; kungdi ang iba sa kanila ay nagtira niyaon hanggang sa umaga, at inuod at bumaho; at naginit sa kanila si Moises.

21 At sila'y namumulot tuwing umaga, bawa't tao ayon sa kaniyang kain: at pagka ang araw ay umiinit na, ay natutunaw.

22 At nangyari, na nang ikaanim na araw, ay pumulot sila ng pagkain na ibayo ang dami, dalawang omer sa bawa't isa: at lahat ng puno sa kapisanan ay naparoon at nagsaysay kay Moises.

23 At kaniyang sinabi sa kanila, Ito ang sinalita ng Panginoon, Bukas ay takdang kapahingahan, banal na sabbath sa Panginoon: ihawin ninyo ang inyong iihawin, at lutuin ninyo ang inyong lulutuin; at lahat na lalabis ay itago ninyo sa ganang inyo, na inyong itira hanggang sa kinabukasan.

24 At kanilang itinago hanggang sa kinaumagahan, gaya ng iniutos ni Moises: at hindi bumaho, ni nagkaroon ng anomang uod.

25 At sinabi ni Moises, Kanin ninyo yaon ngayon; sapagka't ngayo'y sabbath na ipinangingilin sa Panginoon: ngayo'y hindi kayo makakasumpong sa parang.

26 Anim na araw na inyong pupulutin; datapuwa't sa ikapitong araw ay sabbath, hindi magkakaroon.

27 At nangyari sa ikapitong araw, na lumabas ang iba sa bayan upang mamulot, at walang nasumpungan.

28 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Hanggang kailan tatanggihan ninyo ganapin ang aking mga utos at ang aking mga kautusan?

29 Tingnan ninyo, na sapagka't ibinigay ng Panginoon sa inyo ang sabbath, kung kaya't kaniyang ibinibigay sa inyo sa ikaanim na araw ang pagkain ng sa dalawang araw; matira ang bawa't tao sa kaniyang kinaroroonan, huwag umalis ang sinoman sa kaniyang kinaroroonan, sa ikapitong araw.

30 Kaya ang bayan ay nagpahinga sa ikapitong araw.

31 At yao'y pinanganlan ng sangbahayan ng Israel na Mana: at kaparis ng buto ng kulantro, maputi; at ang lasa niyaon ay kasinglasa ng manipis na tinapay na may pulot.

32 At sinabi ni Moises, Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon, Punuin ninyo ang isang omer ng mana, na inyong ingatan sa buong panahon ng inyong mga lahi; upang kanilang makita ang pagkain, na aking ipinakain sa inyo sa ilang nang kayo'y aking ilabas sa lupain ng Egipto.

33 At sinabi ni Moises kay Aaron, Kumuha ka ng isang palyok at sidlan mo ng isang omer na puno ng mana, at ilagay mo sa harap ng Panginoon, upang maingatan sa buong panahon ng inyong mga lahi.

34 Kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises, ay gayon inilagay ni Aaron sa harap ng Patotoo upang ingatan.

35 At ang mga anak ni Israel ay kumain ng mana na apat na pung taon, hanggang sa sila'y dumating sa lupaing tinatahanan; sila'y kumain ng mana hanggang sa sila'y dumating sa mga hangganan ng lupain ng Canaan.

36 Ang isang omer nga ay ikasangpung bahagi ng isang efa.

Exodo 17

1 At ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa ilang ng Sin, sa kanilang paglalakbay ayon sa utos ng Panginoon, at humantong sa Rephidim: at walang tubig na mainom ang bayan.

2 Kaya't ang bayan ay nakipagtalo kay Moises, at nagsabi, Bigyan mo kami ng tubig na aming mainom. At sinabi ni Moises sa kanila, Bakit kayo nakikipagtalo sa akin? bakit ninyo tinutukso ang Panginoon?

3 At ang bayan ay nauhaw at inupasala ng bayan si Moises, at sinabi, Bakit mo kami isinampa rito mula sa Egipto, upang patayin mo kami sa uhaw, at ang aming mga anak, at ang aming kawan?

4 At si Moises ay dumaing sa Panginoon, na nagsasabi, Anong aking gagawin sa bayang ito? kulang na lamang batuhin nila ako.

5 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Dumaan ka sa harap ng bayan, at ipagsama mo ang mga matanda sa Israel; at ang iyong tungkod na iyong ipinalo sa ilog, ay tangnan mo sa iyong kamay, at yumaon ka.

6 Narito, ako'y tatayo sa harap mo roon sa ibabaw ng bato sa Horeb; at iyong papaluin ang bato, at lalabasan ng tubig, upang ang bayan ay makainom. At gayon ginawa ni Moises sa paningin ng mga matanda sa Israel.

7 At tinawag nila ang pangalan ng dakong yaon, na Massah at Meribah, dahil sa pakikipagtalo ng mga anak ni Israel, at dahil sa kanilang tinukso ang Panginoon, na kanilang sinasabi, Ang Panginoon ba'y nasa gitna natin o wala?

8 Nang magkagayo'y dumating si Amalec, at nakipaglaban sa Israel sa Rephidim.

9 At sinabi ni Moises kay Josue, Ipili mo tayo ng mga lalake, at ikaw ay lumabas, lumaban ka kay Amalec; bukas ay tatayo ako sa taluktok ng burol, na aking tangan ang tungkod ng Dios sa aking kamay.

10 Gayon ginawa ni Josue, gaya ng sinabi ni Moises sa kaniya, at lumaban kay Amalec: at si Moises, si Aaron at si Hur ay sumampa sa taluktok ng burol.

11 At nangyari, pagka itinataas ni Moises ang kaniyang kamay, ay nananaig ang Israel: at pagka kaniyang ibinababa ang kaniyang kamay, ay nananaig si Amalec.

12 Datapuwa't ang mga kamay ni Moises ay nangalay; at sila'y kumuha ng isang bato, at inilagay sa ibaba, at kaniyang inupuan; at inalalayan ni Aaron at ni Hur ang kaniyang mga kamay, ang isa'y sa isang dako, at ang isa'y sa kabilang dako; at ang kaniyang mga kamay ay nalagi sa itaas hanggang sa paglubog ng araw.

13 At nilito ni Josue si Amalec, at ang kaniyang bayan, sa pamamagitan ng talim ng tabak.

14 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Isulat mo ito na pinakaalaala sa isang aklat, at ipagbigay alam mo kay Josue na aking ipalilimot ang pagalaala kay Amalec sa silong ng langit.

15 At nagtayo si Moises ng isang dambana, at pinanganlang Jehovanissi.

16 At kaniyang sinabi, Isinumpa ng Panginoon: ang Panginoon ay makikipagdigma kay Amalec sa buong panahon ng lahi nito.