Hakbang 149

pag-aaral

     

Mga Awit 104:5-35

5 Na siyang naglagay ng mga patibayan ng lupa, upang huwag makilos magpakailan man,

6 Iyong tinakpan ng kalaliman na tila isang bihisan; ang tubig ay tumatayo sa itaas ng mga bundok.

7 Sa iyong pagsaway sila'y nagsitakas; sa hugong ng iyong kulog ay nagmadaling nagsialis sila;

8 Sila'y nagsiahon sa mga bundok, sila'y nagsilusong sa mga libis, sa dako mong itinatag ukol sa kanila.

9 Ikaw ay naglagay ng hangganan upang sila'y huwag makaraan; upang sila'y huwag magsibalik na tumakip sa lupa.

10 Siya'y nagsusugo ng mga bukal sa mga libis; nagsisiagos sa gitna ng mga bundok:

11 Sila'y nagpapainom sa bawa't hayop sa parang; nangagpapatid-uhaw ang mga mailap na asno.

12 Sa tabi nila ay nagkaroon ng kanilang tahanan ang mga ibon sa himpapawid, sila'y nagsisiawit sa mga sanga.

13 Kaniyang dinidilig ang mga bundok mula sa kaniyang mga silid: ang lupa'y busog sa bunga ng iyong mga gawa.

14 Kaniyang pinatutubo ang damo para sa mga hayop, at ang gugulayin sa paglilingkod sa tao: upang siya'y maglabas ng pagkain sa lupa:

15 At ng alak na nagpapasaya sa puso ng tao, at ng langis upang pasilangin ang kaniyang mukha, at ng tinapay na nagpapalakas ng puso ng tao.

16 Ang mga punong kahoy ng Panginoon ay busog; ang mga sedro sa Libano, na kaniyang itinanim;

17 Na pinamumugaran ng mga ibon: tungkol sa tagak, ang mga puno ng abeto ay kaniyang bahay.

18 Ang mga mataas na bundok ay para sa mga mailap na kambing; ang mga malalaking bato ay kanlungan ng mga coneho.

19 Kaniyang itinakda ang buwan sa mga panahon: nalalaman ng araw ang kaniyang paglubog.

20 Iyong ginagawa ang kadiliman at nagiging gabi; na iginagalaw ng lahat na hayop sa gubat.

21 Umuungal ang mga batang leon sa pagsunod sa mahuhuli nila, at hinahanap sa Dios ang kanilang pagkain.

22 Ang araw ay sumisikat sila'y nagsisialis, at nangahihiga sa kanilang mga yungib.

23 Lumalabas ang tao sa kaniyang gawain, at sa kaniyang gawa hanggang sa kinahapunan.

24 Oh Panginoon, pagka sarisari ng iyong mga gawa! sa karunungan ay ginawa mo silang lahat: ang lupa ay puno ng iyong kayamanan.

25 Nandoon ang dagat, na malaki at maluwang, na ginagalawan ng di mabilang na mga bagay, ng mga munti at ng mga malaking hayop din naman.

26 Doo'y nagsisiyaon ang mga sasakyan: nandoon ang buwaya na iyong nilikha upang maglibang doon.

27 Lahat ng ito ay nangaghihintay sa iyo, upang iyong mabigyan sila ng kanilang pagkain sa ukol na kapanahunan.

28 Ang iyong ibinibigay sa kanila ay pinipisan nila; iyong ibinubukas ang iyong kamay, sila'y nangabubusog ng kabutihan.

29 Iyong ikinukubli ang iyong mukha, sila'y nangababagabag; iyong inaalis ang kanilang hininga, sila'y nangamamatay, at nagsisibalik sa kanilang pagkaalabok.

30 Iyong sinusugo ang iyong Espiritu, sila'y nangalalalang; at iyong binabago ang balat ng lupa.

31 Manatili nawa ang kaluwalhatian ng Panginoon kailan man; magalak nawa ang Panginoon sa kaniyang mga gawa:

32 Na siyang tumitingin sa lupa at nayayanig: kaniyang hinihipo ang mga bundok at nagsisiusok.

33 Aawit ako sa Panginoon habang ako'y nabubuhay: ako'y aawit ng pagpuri sa aking Dios, samantalang mayroon akong kabuhayan.

34 Matamisin nawa niya ang aking pagbubulay: ako'y magagalak sa Panginoon.

35 Malipol nawa ang mga makasalanan sa lupa, at mawala nawa ang masama. Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko. Purihin ninyo ang Panginoon.

Mga Awit 105:1-24

1 Oh magpasalamat kayo sa Panginoon, kayo'y magsitawag sa kaniyang pangalan; ipabatid ninyo ang kaniyang mga gawain sa mga bayan.

2 Magsiawit kayo sa kaniya, magsiawit kayo sa kaniya ng mga pagpuri; salitain ninyo ang lahat niyang kagilagilalas na mga gawa.

3 Lumuwalhati kayo sa kaniyang banal na pangalan: mangagalak ang puso nila na nagsisihanap sa Panginoon.

4 Hanapin ninyo ang Panginoon at ang kaniyang kalakasan; hanapin ninyo ang kaniyang mukha magpakailan man.

5 Alalahanin ninyo ang kaniyang kagilagilalas na mga gawa na kaniyang ginawa: ang kaniyang mga kababalaghan at ang mga kahatulan ng kaniyang bibig;

6 Oh ninyong binhi ni Abraham na kaniyang lingkod, ninyong mga anak ni Jacob, na kaniyang mga hirang.

7 Siya ang Panginoon nating Dios: ang kaniyang mga kahatulan ay nangasa buong lupa.

8 Kaniyang inalaala ang kaniyang tipan magpakailan man, ang salita na kaniyang iniutos sa libong sali't saling lahi;

9 Ang tipan na kaniyang ginawa kay Abraham, at ang kaniyang sumpa kay Isaac;

10 At pinagtibay yaon kay Jacob na pinakapalatuntunan, sa Israel na pinakawalang hanggang tipan:

11 Na sinasabi, sa iyo'y ibibigay ko ang lupain ng Canaan, ang kapalaran na iyong mana;

12 Nang sila'y kaunti lamang tao sa bilang; Oo, totoong kaunti, at nangakikipamayan doon;

13 At sila'y nagsiyaon sa bansa at bansa, mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan.

14 Hindi niya tiniis ang sinomang tao na gawan sila ng kamalian; Oo, kaniyang sinaway ang mga hari dahil sa kanila;

15 Na sinasabi, Huwag ninyong galawin ang mga pinahiran ko ng langis. At huwag ninyong gawan ng masama ang mga propeta ko.

16 At siya'y nagdala ng kagutom sa lupain; kaniyang binali ang buong tukod ng tinapay.

17 Siya'y nagsugo ng isang lalake sa unahan nila; si Jose ay naipagbiling pinakaalipin:

18 Ang kaniyang mga paa ay sinaktan nila ng mga pangpangaw; siya'y nalagay sa mga tanikalang bakal:

19 Hanggang sa panahon na nangyari ang kaniyang salita; tinikman siya ng salita ng Panginoon.

20 Ang hari ay nagsugo, at pinawalan siya; sa makatuwid baga'y ang pinuno ng mga bayan, at pinalaya niya siya.

21 Ginawa niya siyang panginoon sa kaniyang bahay, at pinuno sa lahat niyang pag-aari:

22 Upang talian ang kaniyang mga pangulo sa kaniyang kaligayahan, at turuan ang kaniyang mga kasangguni ng karunungan.

23 Si Israel naman ay nasok sa Egipto; at si Jacob ay nakipamayan sa lupain ng Cham.

24 At kaniyang pinalagong mainam ang kaniyang bayan, at pinalakas sila kay sa kanilang mga kaaway.