Étape 64

Étudier

     

Deuteronomio 29

1 Ito ang mga salita ng tipan na iniutos ng Panginoon kay Moises na gawin sa mga anak ni Israel sa lupain ng Moab, bukod sa tipang kaniyang ginawa sa kanila sa Horeb.

2 At tinawag ni Moises ang buong Israel, at sinabi sa kanila, Inyong nakita yaong lahat na ginawa ng Panginoon sa harap ng inyong mga mata sa lupain ng Egipto, kay Faraon at sa lahat ng kaniyang lingkod at kaniyang buong lupain;

3 Ang mga dakilang tukso na nakita ng iyong mga mata, ang mga tanda, at yaong mga dakilang kababalaghan:

4 Nguni't hindi kayo binigyan ng Panginoon ng pusong ikakikilala at ng mga matang ikakikita, at ng mga pakinig na ikaririnig, hanggang sa araw na ito.

5 At aking pinatnubayan kayong apat na pung taon sa ilang: ang inyong mga damit ay hindi naluma sa inyo, at ang iyong panyapak ay hindi naluma sa iyong paa.

6 Hindi kayo kumain ng tinapay, ni uminom ng alak o inuming nakalalasing: upang inyong makilala na ako ang Panginoon ninyong Dios.

7 At nang kayo'y dumating sa dakong ito, ay lumabas si Sehon na hari sa Hesbon at si Og na hari sa Basan, laban sa atin sa pakikibaka, at ating sinugatan sila;

8 At ating sinakop ang kanilang lupain at ating ibinigay na pinaka mana sa mga Rubenita, at sa mga Gadita, at sa kalahating lipi ni Manases.

9 Ganapin nga ninyo ang mga salita ng tipang ito, at inyong gawin, upang kayo'y guminhawa sa lahat ng inyong ginagawa.

10 Kayo'y tumatayong lahat sa araw na ito, sa harap ng Panginoon ninyong Dios; ang inyong mga pangulo, ang inyong mga lipi, ang inyong mga matanda, at ang inyong mga puno, sa makatuwid baga'y lahat ng mga lalake sa Israel,

11 Ang inyong mga bata, ang inyong mga asawa at ang iyong taga ibang lupa na nasa gitna ng iyong mga kampamento mula sa iyong mangangahoy hanggang sa iyong mananalok:

12 Upang ikaw ay pumasok sa tipan ng Panginoon mong Dios, at sa kaniyang sumpa na ginagawa sa iyo ng Panginoon mong Dios sa araw na ito:

13 Upang kaniyang itatag ka sa araw na ito na isang bayan, at upang siya'y maging iyong Dios, na gaya ng kaniyang sinalita sa iyo, at gaya ng kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang, kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob.

14 At hindi lamang sa inyo ginagawa ko ang tipang ito at ang sumpang ito;

15 Kundi doon sa nakatayo ritong kasama natin sa araw na ito sa harap ng Panginoon nating Dios, at gayon din sa hindi natin kasama sa araw na ito:

16 (Sapagka't talastas ninyo kung paanong tumahan tayo sa lupain ng Egipto; at kung paanong tayo'y pumasok sa gitna ng mga bansang inyong dinaanan;

17 At inyong nakita ang kanilang mga karumaldumal, at ang kanilang mga idolo, na kahoy at bato, pilak at ginto na nasa gitna nila:)

18 Baka magkaroon sa gitna ninyo ng lalake, o babae, o angkan, o lipi, na ang puso'y humiwalay sa araw na ito, sa Panginoon nating Dios, na yumaong maglingkod sa mga dios ng mga bansang yaon; baka magkaroon sa gitna ninyo ng isang ugat na nagbubunga ng nakakalason at ng ajenjo;

19 At mangyari, na pagka kaniyang narinig ang mga salita ng sumpang ito, na kaniyang basbasan ang kaniyang sarili sa kaniyang puso, na magsabi, Ako'y magkakaroon ng kapayapaan, bagaman ako'y lumalakad sa pagmamatigas ng aking puso upang ilakip ang paglalasing sa kauhawan:

20 Ay hindi siya patatawarin ng Panginoon, kundi ang galit nga ng Panginoon at ang kaniyang paninibugho ay maguusok laban sa taong yaon, at ang lahat ng sumpa na nasusulat sa aklat na ito ay hihilig sa kaniya, at papawiin ng Panginoon ang kaniyang pangalan sa silong ng langit.

21 At ihihiwalay siya ng Panginoon sa lahat ng mga lipi sa Israel sa kasamaan, ayon sa lahat ng mga sumpa ng tipan na nasusulat sa aklat na ito ng kautusan.

22 At ang mga lahing darating, ang inyong mga anak na magsisibangon pagkamatay ninyo, at ang taga ibang bayan na magmumula sa malayong lupain, ay magsasabi, pagka nakita nila ang mga salot ng lupaing yaon, at ang sakit na inilagay ng Panginoon, na ipinagkasakit;

23 At ang buong lupaing yaon ay asupre, at asin, at sunog, na hindi nahahasikan, at walang ibubunga, ni walang tumutubong damo, na gaya ng nangyari sa pagkagiba ng Sodoma at Gomorra, Adma at Seboim, na giniba ng Panginoon sa kaniyang kagalitan at sa kaniyang maningas na pagiinit;

24 Na anopa't lahat ng mga bansa ay magsasabi, Bakit ginawa ito ng Panginoon sa lupaing ito? ano ang kahulugan ng init nitong malaking kagalitan?

25 Kung magkagayo'y sasabihin ng mga tao, Sapagka't kanilang pinabayaan ang tipan ng Panginoon, ng Dios ng kanilang mga magulang, na kaniyang ginawa sa kanila, nang kaniyang kunin sila sa lupain ng Egipto;

26 At sila'y yumaon at naglingkod sa ibang mga dios, at sinamba nila, na mga dios na hindi nila nakilala, at hindi niya ibinigay sa kanila:

27 Kaya't ang galit ng Panginoon ay nagalab laban sa lupaing ito, upang dalhin sa kaniya ang buong sumpa na nasusulat sa aklat na ito:

28 At sila'y binunot ng Panginoon sa kanilang lupain, sa kagalitan, at sa pagiinit, at sa malaking pagkagalit, at sila'y itinaboy sa ibang lupain gaya sa araw na ito.

29 Ang mga bagay na lihim ay nauukol sa Panginoon nating Dios: nguni't ang mga bagay na hayag ay nauukol sa atin at sa ating mga anak magpakailan man, upang ating magawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.

Deuteronomio 30

1 At mangyayari, na pagka ang lahat ng mga bagay na ito ay darating sa iyo, ang pagpapala at ang sumpa na inilagay ko sa harap mo, at iyong mga didilidilihin sa gitna ng lahat ng mga bansa na pinagtabuyan sa iyo ng Panginoon mong Dios.

2 At magbabalik ka sa Panginoon mong Dios, at iyong susundin ang kaniyang tinig ayon sa lahat na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito, ninyo at ng iyong mga anak, ng iyong buong puso at ng iyong buong kaluluwa;

3 Ay babawiin nga ng Panginoon mong Dios ang iyong pagkabihag, at mahahabag sa iyo, at ibabalik, at titipunin ka sa lahat ng mga bayang pinagkalatan sa iyo ng Panginoon mong Dios.

4 Kung ang bihag sa iyo ay nasa kaduluduluhang bahagi ng langit, mula roo'y titipunin ka ng Panginoon mong Dios, at mula roo'y kukunin ka.

5 At dadalhin ka ng Panginoon mong Dios sa lupain na inari ng iyong mga magulang, at iyong aariin, at gagawan ka niya ng mabuti at pararamihin ka niya ng higit kay sa iyong mga magulang.

6 At tutuliin ng Panginoon mong Dios ang iyong puso, at ang puso ng iyong binhi, upang ibigin mo ang Panginoon mong Dios ng iyong buong puso, at ng iyong buong kaluluwa, upang ikaw ay mabuhay.

7 At lahat ng mga sumpang ito ng Panginoon mong Dios ay isasa iyong mga kaaway at sa kanila na nangapopoot sa iyo, na nagsiusig sa iyo.

8 At ikaw ay babalik at susunod sa tinig ng Panginoon, at iyong gagawin ang lahat ng kaniyang mga utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito.

9 At pasasaganain ka ng Panginoon mong Dios sa lahat ng gawa ng iyong kamay, sa bunga ng iyong katawan, at sa anak ng iyong bakahan, at sa bunga ng iyong lupa, sa ikabubuti: sapagka't pagagalakin ka uli ng Panginoon, sa ikabubuti mo, gaya ng kaniyang iginalak sa iyong mga magulang:

10 Kung iyong susundin ang tinig ng Panginoon mong Dios, upang tuparin mo ang kaniyang mga utos at ang kaniyang mga palatuntunan na nasusulat sa aklat na ito ng kautusan; kung ikaw ay manunumbalik sa Panginoon mong Dios ng iyong buong puso, at ng iyong buong kaluluwa.

11 Sapagka't ang utos na ito na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, ay hindi totoong mabigat sa iyo, ni malayo.

12 Wala sa langit, upang huwag mong sabihin, Sinong sasampa sa langit para sa atin, at magdadala niyaon sa atin, at magpaparinig sa atin, upang ating magawa?

13 Ni wala sa dako roon ng dagat, upang huwag mong sabihin, Sino ang daraan sa dagat para sa atin, at magdadala niyaon sa atin, at magpaparinig sa atin, upang ating magawa?

14 Kundi ang salita ay totoong malapit sa iyo, sa iyong bibig, at sa iyong puso, upang iyong magawa.

15 Tingnan mo, na inilagay ko sa harap mo sa araw na ito ang buhay at ang kabutihan, at ang kamatayan at ang kasamaan;

16 Na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito na ibigin mo ang Panginoon mong Dios, na lumakad ka sa kaniyang mga daan, at tuparin mo ang kaniyang mga utos, at ang kaniyang mga palatuntunan, at ang kaniyang mga kahatulan, upang ikaw ay mabuhay at dumami, at upang pagpalain ka ng Panginoon mong Dios sa lupain na iyong pinapasok upang ariin.

17 Nguni't kung ang iyong puso ay lumiko, at hindi mo didinggin, kundi maliligaw ka at sasamba ka sa ibang mga Dios, at maglilingkod ka sa kanila;

18 Ay aking pinatutunayan sa inyo sa araw na ito, na kayo'y tunay na malilipol; hindi ninyo palalaunin ang inyong mga araw sa ibabaw ng lupain na inyong ipinagtatawid ng Jordan, upang pumasok na ariin.

19 Aking tinatawag ang langit at ang lupa na pinakasaksi laban sa inyo sa araw na ito, na aking ilagay sa harap mo ang buhay at ang kamatayan, ang pagpapala at ang sumpa; kaya't piliin mo ang buhay, upang ikaw ay mabuhay, ikaw at ang iyong binhi;

20 Na iyong ibigin ang Panginoon mong Dios, na sundin ang kaniyang tinig, at lumakip sa kaniya: sapagka't siya ang iyong buhay, at ang kalaunan ng iyong mga araw; upang matahanan mo ang lupain na isinumpa ng Panginoon sa iyong mga magulang, kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, na ibibigay sa kanila.

Deuteronomio 31

1 At si Moises ay yumaon at sinalita ang mga salitang ito sa buong Israel.

2 At kaniyang sinabi sa kanila, Ako'y may isang daan at dalawang pung taon sa araw na ito; hindi na ako makapaglalabas at pumasok; at sinabi ng Panginoon sa akin, Huwag kang tatawid sa Jordang ito.

3 Magpapauna ang Panginoon mong Dios at kaniyang lilipulin ang mga bansang ito sa harap mo, at iyong aariin: si Josue ay magpapauna sa iyo, gaya ng sinalita ng Panginoon.

4 At gagawin sa kanila ng Panginoon ang gaya ng ginawa kay Sehon, at kay Og, na mga hari ng mga Amorrheo, at sa kanilang lupain na kaniyang nilipol.

5 At ibibigay sila ng Panginoon sa harap mo, at iyong gagawin sa kanila ang ayon sa buong utos na aking iniutos sa iyo.

6 Kayo'y magpakalakas at magpakatapang, huwag kayong matakot, ni mangilabot sa kanila; sapagka't ang Panginoon mong Dios ay siyang yumayaong kasama mo; hindi ka niya iiwan ni pababayaan ka niya.

7 At tinawag ni Moises si Josue at sinabi sa kaniya sa paningin ng buong Israel, Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang: sapagka't ikaw ay yayaong kasama ng bayang ito sa lupain na isinumpa ng Panginoon sa kanilang mga magulang na ibibigay sa kanila; at iyong ipamamana sa kanila.

8 At ang Panginoon, ay siyang nagpapauna sa iyo; siya'y sasa iyo, hindi ka niya iiwan, ni pababayaan ka: ikaw ay huwag matatakot ni manglulupaypay.

9 At isinulat ni Moises ang kautusang ito, at ibinigay sa mga saserdote na mga anak ni Levi, na silang nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon, at sa lahat ng matanda sa Israel.

10 At iniutos sa kanila ni Moises, na sinabi, Sa katapusan ng bawa't pitong taon, sa takdang panahon ng taon ng pagtubos, sa kapistahan ng mga balag,

11 Pagdating ng buong Israel upang pakita sa harap ng Panginoon mong Dios sa dakong kaniyang pipiliin ay iyong babasahin ang kautusang ito sa harap ng buong Israel sa kanilang pakinig.

12 Pisanin mo ang bayan, ang mga lalake at mga babae at mga bata, at ang iyong taga ibang lupa na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan, upang kanilang marinig, at upang kanilang pagaralan, at matakot sa Panginoon mong Dios, at isagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito;

13 At upang ang kanilang mga anak, na hindi nakakilala, ay makarinig at magaral na matakot sa Panginoon ninyong Dios, habang kayo'y nabubuhay sa lupain na inyong pinaroroonan, na inyong itinatawid ng Jordan upang ariin.

14 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Narito, ang iyong mga araw na ikamamatay ay nalalapit: tawagin mo si Josue, at magsiharap kayo sa tabernakulo ng kapisanan upang siya'y aking mapagbilinan. At si Moises at si Josue ay yumaon at humarap sa tabernakulo ng kapisanan.

15 At ang Panginoon ay napakita sa Tolda, sa isang tila haliging ulap; at ang tila haliging ulap ay tumayo sa pintuan ng tabernakulo.

16 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Narito, ikaw ay matutulog na kasama ng iyong mga magulang; at ang bayang ito'y babangon, at sasamba sa kakaibang mga dios sa lupain, na kanilang pinaroroonan upang sumagitna nila, at ako'y pababayaan, at sisirain ang aking tipan na aking ipinakipagtipan sa kanila.

17 Kung magkagayo'y ang aking galit ay magaalab laban sa kanila sa araw na yaon, at aking pababayaan sila, at aking ikukubli ang aking mukha sa kanila, at sila'y sasakmalin, at maraming kasamaan at kabagabagan ang darating sa kanila; na anopa't kanilang sasabihin sa araw na yaon, Hindi ba ang mga kasamaang ito ay dumating sa atin dahil sa ang ating Dios ay wala sa gitna natin?

18 At ikukubli ko nga ang aking mukha sa araw na yaon dahil sa buong kasamaang kanilang ginawa, sa paraang sila'y pumihit sa ibang mga dios.

19 Ngayon nga'y sulatin ninyo sa ganang inyo ang awit na ito, at ituro mo sa mga anak ni Israel: ilagay mo sa kanilang mga bibig, upang ang awit na ito'y maging saksi sa akin laban sa mga anak ni Israel.

20 Sapagka't pagka sila'y naipasok ko na sa lupain na aking isinumpa sa kanilang mga magulang, na binubukalan ng gatas at pulot, at sila'y nakakain at nabusog at tumaba; ay pipihit nga sila sa ibang mga dios, at paglilingkuran nila, at ako'y lalabagin nila, at sisirain ang aking tipan.

21 At mangyayari na pagka ang maraming kasamaan at kabagabagan ay dumating sa kanila, ay magpapatotoo ang awit na ito sa harap nila na pinakasaksi; sapagka't hindi malilimutan ng mga bibig ng kanilang binhi; sapagka't talastas ko ang kanilang iniisip na kanilang inaakala ngayon pa, bago ko sila ipasok sa lupain na isinumpa ko.

22 Kaya't isinulat ni Moises ang awit na ito nang araw ding yaon, at itinuro sa mga anak ni Israel.

23 At kaniyang pinagbilinan si Josue na anak ni Nun, at sinabi, Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang: sapagka't iyong ipapasok ang mga anak ni Israel sa lupain na isinumpa ko sa kanila; at ako'y sasa iyo.

24 At nangyari, nang matapos ni Moises na masulat ang mga salita ng kautusang ito sa isang aklat, hanggang sa natapos,

25 Na nagutos si Moises sa mga Levita, na may dala ng kaban ng tipan ng Panginoon, na sinasabi,

26 Kunin ninyo ang aklat na ito ng kautusan at ilagay ninyo sa siping ng kaban ng tipan ng Panginoon ninyong Dios, upang doo'y maging pinakasaksi laban sa iyo.

27 Sapagka't talastas ko ang iyong panghihimagsik, at ang iyong matigas na ulo: narito, nabubuhay pa akong kasama ninyo, sa araw na ito, kayo'y naging mapanghimagsik laban sa Panginoon: at gaano pa kaya pagkamatay ko?

28 Pulungin mo ang mga matanda sa iyong mga lipi at ang inyong mga pinuno upang masalita ko ang mga salitang ito sa kanilang pakinig, at matawag ang langit at ang lupa na pinakasaksi laban sa kanila.

29 Sapagka't talastas ko na pagkamatay ko, kayo'y mangagsisisama at mangaliligaw sa daan na aking itinuro sa inyo; at ang kasamaan ay sasapit sa inyo sa mga huling araw; sapagka't inyong gagawin yaong masama sa paningin ng Panginoon, upang ipamungkahi niya kayo sa kagalitan sa pamamagitan ng mga gawa ng inyong mga kamay.

30 At sinalita ni Moises sa pakinig ng buong kapisanan ng Israel ang mga salita ng awit na ito, hanggang sa natapos.

Deuteronomio 32:1-14

1 Makinig kayo, mga langit, at ako'y magsasalita, At pakinggan ng lupa ang mga salita ng aking bibig.

2 Ang aking aral ay papatak na parang ulan; Ang aking salita ay bababa na parang hamog; Gaya ng ambon sa malambot na damo, At gaya ng mahinang ambon sa gugulayin:

3 Sapagka't aking ihahayag ang pangalan ng Panginoon: Dakilain ninyo ang ating Dios.

4 Siya ang Bato, ang kaniyang gawa ay sakdal; Sapagka't lahat niyang daan ay kahatulan: Isang Dios na tapat at walang kasamaan, Matuwid at banal siya.

5 Sila'y nagpakasama, sila'y hindi kaniyang mga anak, itong kanilang kapintasan; Mga tampalasan at likong lahi.

6 Ganyan ba ninyo ginaganti ang Panginoon, O mangmang na bayan at hindi pantas? Hindi ba siya ang iyong ama na tumangkilik sa iyo? Kaniyang nilalang ka, at itinatag ka.

7 Alalahanin mo ang mga araw ng una, Isipin mo ang mga taon ng lahi't lahi: Itanong mo sa iyong ama at kaniyang ibabalita sa iyo; Sa iyong mga matanda, at kanilang sasaysayin sa iyo.

8 Nang ibigay ng Kataastaasan sa mga bansa ang kanilang mana, Nang kaniyang ihiwalay ang mga anak ng tao, Kaniyang inilagay ang mga hangganan ng mga bayan Ayon sa bilang ng mga anak ni Israel.

9 Sapagka't ang bahagi ng Panginoon ay ang kaniyang bayan; Si Jacob ang bahaging mana niya.

10 Kaniyang nasumpungan sa isang ilang sa lupain, At sa kapanglawan ng isang umuungal na ilang; Kaniyang kinanlungan sa palibot, kaniyang nilingap, Kaniyang iningatang parang salamin ng kaniyang mata:

11 Parang aguila na kumikilos ng kaniyang pugad, Na yumuyungyong sa kaniyang mga inakay, Kaniyang ibinubuka ang kaniyang mga pakpak, kaniyang kinukuha, Kaniyang dinadala sa ibabaw ng kaniyang mga pakpak:

12 Ang Panginoon na magisa ang pumatnubay sa kaniya, At walang ibang dios na kasama siya.

13 Ipinaari sa kaniya ang matataas na dako ng lupa, At siya'y kumain ng tubo sa bukid; At kaniyang pinahitit ng pulot na mula sa bato, At ng langis na mula sa batong pinkian;

14 Ng mantika ng baka, at gatas ng tupa, Na may taba ng mga kordero, At ng mga tupang lalake sa Basan, at mga kambing, Na may taba ng mga butil ng trigo; At sa katas ng ubas ay uminom ka ng alak.